Sadiq (25)
HUMAHANGA si JayR kay Sadiq. Mabuting asawa at ama. Laging ang bukambibig ay ang kapakanan ng mga mahal sa buhay sa Pinas. At mabuti ring kaibigan si Sadiq. Lagi siyang pinapayuhan. Hindi ito nagsasawa sa pagsasabing iwasan ang mga bisyo habang narito sa Saudi. Walang mapapala kapag sumama sa mga mahilig uminom at magsugal. Katulad nang nangyari sa mga kasamahan nilang nahuli ng mga motawa habang umiinom ng sadiki. Napauwi na ang mga kasamahan nila.
Ang hindi lang maintindihan ni JayR ay ang paggising ni Sadiq sa madaling araw at nahuhuli niyang nakasulyap sa kanya. Para bang mayroong iniisip si Sadiq.
Maraming beses na niyang nahuhuli si Sadiq sa ganoong sitwasyon. Pero binabalewala niya. Wala namang masama sa ganun. Pareho naman silang lalaki. At saka talagang mabait sa kanya si Sadiq. Paano naman siya maghihinala kay Sadiq. Napailing-iling na lang siya.
ISANG hapon na mag-isa siyang umuwi dahil mayroong pinuntahan si Sadiq, nakasalubong niya sa may salas si Pakito.
Nakangisi ito.
“JayR, kumusta?’’ tanong nito.
“Ayos lang Pakito.’’
Napangisi uli si Pakito.
“Kumusta ba ang mag-couple?’’
Napamaang si JayR.
(Itutuloy)
- Latest