^

Punto Mo

EDITORYAL - ‘Kinakain’ na ng China ang Pilipinas

Pang-masa
EDITORYAL - âKinakainâ na ng China ang Pilipinas

MISTULANG “kinakain” na ng China ang Pili­pinas dahil sa ginagawang reclamation sa mga teritoryong sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Masyado nang agresibo ang China at gusto nang angkinin ang lahat nang nakalutang sa West Philippine Sea. Lantaran at walang takot ang ginagawang pag-reclaim ng China at ang sinumang kokontra sa kanila ay lalabanan nila. Patunay sa kani­lang kahandaan ay ang mga nakaantabay na barko ng Chinese militia. Matagal nang nakaporma at nag­ba­bantay ang mga barko na naghihintay lamang ng utos.

Pinakabagong reclamation activities na sinisimulan ng China ay ang Escoda Shoal na malapit lamang sa Palawan. Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), tinatambakan na ang Escoda at ang ginagawang pa­nambak ay mga dinurog na corals. Sadyang winasak ang corals at iyon ang itinatambak para maging isla at mapakinabangan nila. Isang artipisyal na isla na maaaring landingan ng eroplano.

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philip­pine Sea Commodore Jay Tarriela, sa ginawang tatlong linggong deployment ng BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal, naobserbahan nila ang ginagawa ng China na paghahanda sa gagawing artipisyal na isla. Ayon pa kay Tarriela, namataan nila ang 30 Chi­nese militia vessels, bukod pa sa research ships ng China na nasa paligid ng shoal.

Nagsisimula na umano ang pagpapatrulya ng PCG sa Escoda upang mapigilan ang pag-reclaim ng China sa teritoryo. Hindi umano hahayaaan na makagawa ng artipisyal na isla ang China. Kung matatandaan, nakagawa na ng artipisyal na isla ang China sa pinag-aagawang Spratly Islands at may mga hukbo na roon.

Nararapat lamang na magpatrulya ang PCG para namo-monitor ang ginagawa ng China. Baka magising na lamang isang umaga ang mga Pilipino na may mga artipisyal na isla na sa Escoda. Ang pagbabantay ay mahalaga rin para makita ang ginagawang pagtampalasan ng China sa corals. Ayon sa report, marami nang sinirang corals kaya pinangangambahan na wala nang matirahan ang mga isda at iba pang lamandagat.

Kung magpipilit ang China na gumawa ng arti­pisyal na isla sa Escoda, dapat nang gumawa ng hak­bang ang pamahalaan. Hindi na dapat magsasawalang kibo. Ibang usapan na ito kaya nararapat nang lumaban para hindi maangkin at “makain” ng China.

vuukle comment

PHILIPPINES EXCLUSIVE ECONOMIC ZONE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with