Malaysian,1 pa utas sa drug-bust
P13.4 milyong shabu nasamsam
MANILA, Philippines — Napatay sa isang shootout ang isang Malaysian national at ang kanyang Pilipinong kasabwat matapos masabat sa kanila ang tinatayang P13.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa Brgy.Tubig Mampallam, Bongao, Tawi-Tawi nitong Linggo ng hapon.
Kinilala ang mga napatay na suspect na sina Janimal Bin Hajad, alyas “Ungod”, isang Malaysian; at Sansibar Amirul Amil.
Batay sa ulat, alas-4:50 ng hapon nang isagawa ng pinagsanib na mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Tawi-Tawi Provincial Office at ng tropa ng 4th Marine Riffle Battalion ng Philippine Marine, Tawi-Tawi Provincial Police Office (PPO) at iba pang units ng pulisya ang drug operation laban sa mga suspect sa nasabing lugar.
Bago ito ay nakatanggap ng impormasyon ang PDEA Tawi-Tawi hinggil sa ilegal na pagtutulak ng droga ng nasabing Malaysian national at ng kasabwat nito at ng makumpirma ang ulat ay isinagawa ang drug-bust operation.
Gayunman habang isinasagawa ang transaksyon sa bentahan ng shabu ay nakatunog ang mga suspect na undercover agent ang kanilang ka-deal kaya agad nagpaputok ang Malaysian national na nauwi sa maikling barilan sa pagitan ng magkabilang panig.
Agad namang tumimbuwang ang dalawang suspect na nasawi sa insidente habang dalawang babae na nasa bisinidad ng lugar ang nasugatan matapos na tamaan ng ligaw na bala sa kasagsagan ng putukan.
Ang mga nasugatan ay isinugod ng mga otoridad sa pagamutan para malapatan ng pangunahing lunas.
Nakumpiska sa operasyon ang tinatayang nasa P13.4 milyong halaga ng shabu na nakasilid sa dalawang malalaking Chinese tea bags, isang pistola at isang motorized wooden boat na hinihinalang gagamitin sana ng mga suspek sa pagtakas.
- Latest














