Nang-onse sa droga, inutas ng mag-ama
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang 25-anyos na lalaki nang ito ay pagbabarilin ng isang mag-ama na pinaniniwalaang sangkot sa bentahan ng iligal na droga, kamakalawa ng tanghali sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.
Kinilala ang nasawing biktima na si Juan Miguel Leona, alyas “Migmig” habang pinaghahanap naman ang mag-amang suspek na sina Elmer Maddela, 45 at Jaymer, 22.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, bandang alas-12:30 ng hapon nitong Martes nang maganap ang krimen sa loob ng Zero Waste Compound, Republic Ave., ng nasabing barangay.
Sa salaysay ng isang testigo sa pulisya, nakita niyang hinahabol ni Elmer ang biktima at nang maabutan ay agad itong pinagbabaril.
Bagamat sugatan, nakatakbo pa ang biktima at pumasok sa Zero Waste Compound habang sumisigaw na siya ay binaril hanggang sa tuluyan na itong bumulagta.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang Jaguar caliber .38 revolver, dalawang basyo ng bala, at apat na plastic sachet ng shabu.
Batay sa police record na ang biktima ay may mga kasong si kasong theft at droga. Habang ang mag-ama ay may mga kaso ring paglabag sa droga.
- Latest

















