Drug summit sa Kabikulan, inilunsad
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Patuloy na nagiging matagumpay ang iba’t ibang law enforcement agencies sa Bicol Region lalo na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Police Regional Office 5 sa paglaban kontra sa iligal na droga sa buong rehiyon.
Ito ang lumabas sa inilunsad na 1st Regional Drug Summit 2024 ng Police Regional Office 5 sa Legazpi City, Albay sa pangunguna ni regional director Brig. Gen. Andre Perez Dizon na dinaluhan nina PDEA regional director Edgar Jubay; DILG regional director Atty. Arnaldo Escober Jr.; BJMP regional director Jail Senior Supt. Elena Rocamora; mga opisyal at kinatawan ng DOH-Bicol Center for Health Development; Department of Justice; National Police Commission; National Intelligence Coordinating Agency, media at iba’t ibang grupo na lumalaban sa droga.
Sa datos na prinisinta ni regional director Jubay ng PDEA, sa 3,471 kabuuang bilang ng mga barangay sa Kabikulan, nasa 2,973 dito ay dating apektado ng iligal na droga. Gayunman, sa pagtutulungan ng kanilang ahensya, PRO5 at iba pa ay naibaba na lamang sa 447 ang drug affected barangay na kumakatawan sa 12.88 porsyento sa buong rehiyon.
Ang lalawigan ng Sorsogon ang may pinaka-kaunti na bilang na lamang ng natitirang barangay na apektado ng droga na nasa apat na lang o .74 porsyento ng 541 barangay na dating apektado; sunod ay ang Catanduanes na meron na lamang apat o 1.27 percent mula sa 315-affected barangay; Albay na may 40-barangay o 5.56 percent mula sa 720; Camarines Norte na may 17 o 6.03 percent mula sa 282; Masbate na may 34 o 6.18 porsyento ng 550; habang ang may pinakamarami pang barangay na hindi pa deklaradong drug cleared ay ang Camarines sur kung saan sa 1,036 barangay ay may 335 pa o 32.34 porsyentong naiiwan; at ang Naga City na 13 pa lamang o 48.15 porsyento mula sa 27 barangay na deklaradong drug cleared.
Sa tala ng BJMP sa buwan ng Abril ngayong taon, sa 3,724 na mga nakakulong na persons deprived of liberty ay 1,563 dito o 42 porsyento ay nakasuhan at nakakulong dahil sa iligal na droga.
- Latest