Janice, gusto na lang maging single for life

Kasama na ngayon sa bahay ng aktres na si Janice de Belen ang kanyang ama na si G. Philip de Belen na dating advertising executive nung hindi pa ito nagre-retire. Bukod sa kanyang dad, kasama rin sa bahay ni Janice ang kanyang bunsong anak (sa dating mister na si John Estrada) na si Yuan na tapos na rin ng kanyang pag-aaral sa kolehiyo at nagtatrabaho sa isang advertising company.
Sa mga anak ni Janice, tanging sina Inah at Kaila lamang ang sumunod sa kanya sa showbiz.
Matagal nang nakabukod si Inah kasama ang boyfriend nito, ang Kapuso actor na si Jake Vargas. Nakabukod na rin ng tirahan sina Moira at Kaila habang ang panganay na anak ni Janice (sa actor na si Aga Muhlach) na si Luigi Muhlach ay may sarili nang pamilya, ang kanyang wife na si Patty at apat na anak na sina Alejandro, Adriana, Anya at Ariella.
Since busy rin si Janice sa kanyang trabaho bilang actress, hindi rin niya madalas nakikita ang kanyang apat na apo.
Sa aming panayam sa actress sa aming TicTALK with Aster Amoyo vlog, inamin ni Janice na hindi na umano siya naghahanap ng romantic love. Masaya na raw siya sa kanyang kalagayan ngayon bilang single.
Si Aga ang unang naging nobyo ni Janice kung kanino siya nagkaroon ng anak na si Luigi at age 19. Muli siyang na-in love kay Gabby Concepcion pero nagkahiwalay rin sila.
Although proud siya sa kanyang limang anak, super proud siya sa magandang takbo ng showbiz career ni Kaila na ang boyfriend ay si Daniel Padilla. Pagdating sa relasyon ng dalawa ay ayaw magkomento ni Janice.
“Sila na lamang ang tanungin n’yo,” aniya.
Kung saan masaya ang mga anak ay suportado umano niya ang mga ito.
Masuwerte siya dahil hindi ito nawawalan ng proyekto mapa-TV o pelikula man. Katunayan, may tumatakbo siyang serye ngayon sa ABS-CBN, ang primetime action-drama series na Roja. May dalawa rin siyang pelikulang kalahok sa tumatakbong 51st Metro Manila Film Festival, ang I’mPerfect at Shake, Rattle & Roll: Evil Origins, her 6th sa nasabing movie franchise. Very proud naman si Janice na naging bahagi siya ng maituturing na milestone sa showbiz industry, ang I’mPerfect na pinagbidahan ng mga bagitong artista with Down Syndrome mula sa panulat at direksyon ni Sigrid Andrea Bernardo under Nathan Studios ng pamilya Atayde sa pamumuno ng actress na si Sylvia Sanchez.
Kapag may oras sila ng kanyang kapatid na si Gelli de Belen kasama ang kanilang close friends na sina Carmina Villarroel at Candy Pangilinan ay naglalaan sila ng oras sa kanilang podcast na Wala Pa Kaming Title.
“Actually, ang original na magkakabarkada ay sina Gelli, Carmina at Candy, nakibarkada lang ako,” natatawang pahayag ni Janice.
- Latest


























