Mother Ricky rumampa sa Germany at Paris
MANILA, Philippines - Isang kakaibang bonus ang ibibigay sa inyo ng GMA News TV program na Life And Style With Ricky Reyes ngayong Sabado, alas-diyes hanggang alas-onse ng umaga.
Ipapasyal kayo ni Mader Ricky sa Germany na dinarayo ng mga turista dahil sa mga kahanga-hangang middle age historical landmarks at sinaunang kultura na umiiral pa rin kahit ang pamumuhay ng mga tao’y masasabing state of the art na ngayon.
Magkakaroon ng pagkakataon si Mader na makasalamuha ang mga OFW (overseas Filipino workers) at expats sa bansa ng mga Aleman. Dadalhin din niya tayo sa isang maliit na village ng Edenkoven na isa’t kalahating oras na biyahe mula Frankfurt. Malamig dito at masarap ang hangin kahit ang araw ay sumisikat hanggang alas-diyes ng gabi. Tunay na mala-Baguio ang klima.
Sa mga wine lovers, ang pagdalaw sa mga taniman ng ubas at pabrika ng alak ay ‘di dapat kaligtaan. Alam ng buong mundo na ang Germany ay isa sa mga nangunguna sa paggawa ng mataas na uri ng alak.
Mula Mannheim, Germany ay apat na oras lang ang biyahe sakay ng bullet train patungong France. Kaya biglang nag-sidetrip doon ang host-producer at dinala sa isang whole day tour ang staff para mailibot ang mga ito sa Paris at sa gabi’y para matunghayan ang sikat na Eiffel Tower na ang mga ilaw ay nagniningning.
- Latest



















