Finale ng Iglot ngayong gabi na
MANILA, Philippines - Exciting ang magiging pagtatapos ng fantasy-drama ng Kapuso Station na Iglot ngayong Biyernes, November 11.
Susubukang umakyat ng Mount Matahon nina Father Ruben (Romnick Sarmenta) at Ning (Milkcah Wynne Nacion) upang maligtas ang buhay ni Iglot.
Subalit, laking gulat nila nang madatnan nila si Dr. Petrovsky (Jaime Fabregas) na nag-aabang sa bunganga ng bulkan.
Samantala, may sarili ring misyon sina Anton (Marvin Agustin), Ramona (Jolina Magdangal), at Aldo (Patrick Garcia) upang iligtas si Mariella (Claudine Barretto) mula sa malupit na mga kamay ni Juancho (Luis Alandy).
Sa gitna ng pagmamalupit ni Juanco, isang ‘di inaasahang tao ang magliligtas kay Mariella na magiging simula ng mga makapigil-hiningang tagpo sa pagtatapos ng programa.
Magtagumpay kaya sina Ning na maibalik sa bulkan si Iglot? Magtagpo na kayang tuluyan ang landas nina Mariella at ng kanyang anak? Ano kaya ang magiging ending ng love story nina Anton at Ramona?
Mula sa direksyon ni Gil Tejada Jr., tinatampok din sa Iglot sina Ms. Celia Rodriguez, Pauleen Luna, Perla Bautista, Sylvia Sanchez, Mel Martinez, Lexi Fernandez, Hiro Magalona, Nicky Castro, at bilang special guest si Mr. Eddie Garcia.
Huwag palampasin ang huling adventure ni Iglot ngayong Biyernes pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Telebabad.
- Latest