Barbie biglang ginawang malaking artista
Aakalain ba ni Barbie Forteza na bubulaga ang isang pagkalaki-laking larawan niya sa mismong GMA Center Bldg.? Anunsiyo ito ng bagong teleserye niya sa GMA na magsisimula ngayong Lunes, Hunyo 7, kapalit ng Panday Kids na nag-iwan ng lungkot ang pagtatapos sa maraming batang sumusubaybay dito.
Dito pa lamang ay makikita na ang pagpapahalaga ng network sa batang aktres, yes, dahil nanalo na siya ng acting award kaya hindi na siya basta-basta matatawag na artista ngayon.
I’m sure proud na proud si Barbie sa kanyang accomplishments. Siya, sila nina Joshua at Jake Vargas ang nagsimula ng trend ng mga palabas na pambagets. Bukas makalawa, lahat ng network ay mayroon na rin ganitong palabas.
Dapat alagaang mabuti ni Barbie ang kanyang career at bigyan halaga ang pagsusumigasig ng GMA na magawa siyang isang malaking artista. Nasa tamang landas na siya, huwag na siyang maliligaw pa!
* * *
Mukhang magiging maganda ang takbo ng local entertainment sa bagong administrasyon. Ganito kaaga at kahit hindi pa naiinagurahan ang bagong halal na pangulo ay nabibigyan pagpapahalaga na ang maraming artista at kung paniniwalaan ang mga bali-balita, mukhang maganda ang pagpapahalaga na ibinibigay ng uupong bagong pangulong Noynoy Aquino sa mga artista.
Bakit naman hindi, artista ang kapatid niyang si Kris, ang malaking naitulong nito sa kanyang kampanya ay galing sa pag-aartista nito, at hindi yun basta-basta halaga at mula sa pinaghirapan nito.
Marami ring artista ang tumulong sa kanyang kampanya, mga taong hindi ininda o natakot sa maaaring kahihinatnan nila kung iba ang nanalo at hindi siya. At tumulong sila kahit sa kakapusan ng laman ng bulsa niya.
Masisisi ba siya kung maging mataas ang pagpapahalaga niya sa mga artista na iniismol lamang ng marami at tinatawaran ang kakayahan? Marami sa kanila ang nakatapos ng pag-aaral at nanggaling sa mga magagandang paaralan. Pero pinaka-mahalaga ay ‘yung hirap bilang artista. At kung nasaan man sila ngayon at ano man ang katayuan nila, inabot nila ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng maganda at tapat na serbisyo sa publiko.
- Latest





















