^

PSN Showbiz

Angelica sinorpresa si Derek sa Taiwan

SHOWBIZ MISMO - Cristy Fermin -

Ilang kababayan nating nagtatrabaho sa Taiwan ang nagkuwento na nakita nila dun si Angelica Panganiban nung nakaraang Linggo. Posible, dahil nandun ang kanyang boyfriend na si Derek Ramsey, kasali ang aktor sa Philippine Frisbee team.

Kaarawan ni Derek nung nakaraang Biyernes, December 7, sinorpresa siguro ni Angelica ang kanyang boyfriend kaya ito nagpunta sa Taiwan. Mukhang nakaganda naman ang pagdating dun ng inspirasyon ng binata dahil tinanghal na MVP si Derek sa nasabing labanan.

Tatlo ang piniling MVP sa Asian Frisbee Championship, ang isa ay mula sa Australia at ang isa naman ay mula sa Japan at si Derek nga na talaga namang kapag napanood mong lumalaro ng Frisbee ay kahanga-hanga sa kanyang lakas.

Nagtapos sa pang-apat na puwesto ang Philippine team, pero malaking bagay para sa kanila ang nakuhang award ni Derek, ibig sabihin lang nun ay napansin ng mga tagapamahala ng labanan ang kapasidad ng guwapong aktor.

Lumilipad sa ere si Derek kapag lumalaro, ilang beses na namin siyang napanood sa TV habang lumalaro ng Frisbee, yun ang dahilan kung bakit maganda at ensayado ang katawan ni Derek.

Sa Canada ang susunod na laban ng grupo ni Derek, ibayong pag-eensayo na naman ang kanilang gagawin, kahanga-hanga rin si Derek  sa pagbabalanse ng kanyang oras sa showbiz at sa kanyang pagiging atleta.

Maraming pumupuri kay Derek sa Ysabella, marami ring humanga sa kanya sa One More Chance, ngayon ay kasama naman siya sa Book 2 ng teleseryeng Maging Sino Ka Man na nagsimula na nung Lunes nang gabi sa ABS-CBN.

Dagdag na impormasyon, may isang aktres na noon pa type na type si Derek, pero ayaw lang nitong lumantad. Mahirap na raw kasi, dahil baka maging dahilan pa yun ng away nila ni Angelica Panganiban, ayaw raw nitong maging part two sila nina Carlene Aguilar at Cristine Reyes.

“Tahimik ko na lang siyang hahangaan, okey na sa akin na napapanood ko siya sa TV, nakikita ko rin siya paminsan-minsan pero, hindi ako nagpapahalata na interested ako sa kanya,” pagtatapat pa ng aktres na may lihim na pagkagusto kay Derek Ramsey.

* * *

Nabasa namin sa PM kahapon, kapatid na pahayagan nitong PSN, ang babala ni Senator Juan Ponce Enrile kay OMB Chairman Edu Manzano dahil sa hindi niya pagtawag ng senador kay Senator Bong Revilla.

Ang pagtawag ng Mr. Revilla ni Chairman Edu kay Senator Bong, para kay Senator Juan Ponce Enrile, ay kayabangan at kakulangan ng pagrespeto sa Senado.

Nagagalit din diumano ang may edad nang senador kay Chairman Edu dahil ayaw niyang tigilan si Senador Bong, nakakita ng kakampi sa kanilang hanay si Senator Bong, isang kapwa nito mambabatas ang nagtanggol sa aktor.

Nagpaliwanag na sa The Buzz nung Lingo nang hapon si Chairman Edu kung bakit Mr. Revilla at hindi Senator Revilla ang tawag niya sa aktor-pulitiko. Ayon sa tagapamuno ng OMB ay nirerespeto niya ang posisyon ni Senator Bong, pero mas pinili niyang tawagin itong Mr. Revilla, para hindi nakakaladkad ang pangalan ng Senado sa kanyang pagsasalita.

Para sa amin ay respeto pa rin ang salitang “Mr.”, dahil kung talagang huhubaran ng pagrespeto ni Chairman Edu si Senator Bong, puwede naman niyang tawagin ito sa kanyang pangalan lang.

Parang si Senador Jinggoy Estrada rin at si Mayor JV Ejercito, hindi naman tinatawag na pangulo ng mga ito si PGMA, Mrs. Arroyo kung tawagin ng magkapatid ang tagapamunong nakaupo sa Palasyo.

Ang haba-haba kasing kuwento kapag inugat namin ang pagiging pulitiko ni Senator Juan Ponce Enrile, para itong paru-parong palipad-lipad sa iba’t ibang partido, kaya kung tawagin ito ay political butterfly.

Ano kaya ang mas gustong marinig ni Senator Enrile, yung Senator Bong nga ang tawag ni Chairman Edu sa kasamahan nito, pero lagi namang nakakalad­kad ang pangalan ng Senado sa kanyang pagpapa­liwanag?

Ang dami-daming problemang dapat unahin ng mga senador, pero talagang malakas ang kaway ng showbiz, parang isang platito ng patis ang mundo ng lokal na aliwan na gustung-gustong pinakikisawsawan ng mga pulitiko.

Sa totoo lang.

CHAIRMAN EDU

DEREK

MR. REVILLA

PLACE

SENATOR

SENATOR BONG

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with