Malaking problema ng mga mawawalang host ng MTB
February 2, 2003 | 12:00am
Kung hindi maihahabol ang muling paglulunsad sa bagong bihis na Magandang Tanghali, Bayan! ngayong buwan ng Pebrero ay pormal nang iwewelkam ng ABS-CBN ang mga bagong hosts ng show sa unang linggo ng Marso.
Wala nang problema sa MTB, kumpirmado na ang mga magiging bagong hosts ng noontime show, ang inaasikaso na lang ngayon ng istasyon ay ang mga detalye pa para sa isang show na makaka-back-to-back ng MTB sa kanilang paglulunsad.
Yun na lang ang pinaplantsa ngayon ng produksiyon, nakahanda na ang lahat ng bagong segments ng MTB, pati ang mga bagong hosts at staff ng programa ay naiayos na.
Isang kaibigan ang nagbalita sa amin na sobra-sobra ang lungkot ngayon sa set ng MTB, walang-wala na ang dating sigla ng mga hosts, dahil hanggang Pebrero na nga lang sila sa ere.
Nang kausapin naman ng mga ehekutibo ng Dos ang mga hosts na mawawala sa show ay pinangakuan sila ng istasyon na hindi sila pababayaan, bibigyan pa rin sila ng programang makakapalit ng mawawala sa kanila, ang kwestiyon nga lang ay kung gaano katagal ang kailangan nilang ipaghintay.
Malaking problema talaga ang pagkawala ng MTB sa mga artistang dun kumukuha ng malaking bulto ng kanilang ikinabubuhay, maganda kasi ang kita sa isang daily show.
May isang host na kumuha pa naman ng hulugang condo unit sa pag-asang meron siyang buwan-buwan na pagkukunan ng kanyang hulog, nang kunin kasi niya ang unit ay wala pa namang mga usap-usapan na mawawala na sa ere ang programa.
Ilang buwan lang pagkatapos niyang makapagbayad ng down payment at makapaghulog ng bwanang kabayaran ay biglang nagbago ang mga pangyayari, magkakaroon ng mga pagbabago sa MTB at isa nga siya sa mawawala sa show.
Yun ang pinoproblema ngayon ng host, paano na ang hulugan niyang condo unit?
Hindi niya naman puwedeng basta ibenta na lang yun para huwag masayang ang kanyang paunang bayad at ang ilang buwang nahulugan na niya, napakahirap ng pera ngayon, kaya walang may gustong bumili ng mga ari-ariang maaari pa namang ipagliban.
Problemado rin ang ibang hosts ng MTB na mawawala na sa show, isang komedyante ang kumuha ng hulugang bahay at sasakyan, lakas-loob nitong kinuha ang mga yun, sa pag-asang matatagalan pa ang kanyang trabaho.
Paano na nga naman ngayon ang kanyang buwanang obligasyon, saan siya kukuha ng pambayad, wala pa namang katiyakan kung saang programa siya maisasaksak kapag nawala na ang MTB?
Malaking halaga ang nawala kay Willie nang alisin siya sa MTB, yun lang din ang malaking buslo na pinagkukunan niya ng kanyang pangangailangan, pero buslong butas ang kinauwian.
Anim na buwan siyang hindi nakapaghulog, malapit nang ilitin sa kanya ang bahay, kaya nagbenta siya ng mga ari-ariang ipinanghulog niya ang pinagbilhan.
Nakabangon na lang uli si Willie nang magkaroon siya ng bagong show, ang nagre-rate na Willingly Yours, noon lang uli niya naayos ang pagbabayad sa kanyang mga kompromiso.
Ganun kawalang katiyakan ang buhay ng mga artista, hindi nila puwedeng ipangako ang bukas, dahil hindi naman sila ang may hawak ng kanilang kapalaran.
Habang kumikita ng maganda ay kailangan na nilang magsubi para sa tag-ulan, habang mainit pa ang pagtanggap sa kanila ng publiko ay kailangang magpundar na sila, dahil dumarating ang mga biglaang pangyayari na tiyak na magpapabago sa mataas na takbo ng kanilang buhay.
Isa sa mga trabahong walang pangakong bukas ang pag-aartista, kasing halaga ka lang ng kung paano kang tinatanggap ng publiko sa kasalukuyan.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
Latest
Latest
Recommended





















