Bilyon, natutulog sa budget!
Hindi dapat ikagalit kung ang bilyun-bilyong pisong pondong nakatengga sa Department of Health (DOH) ay inilipat sa medical assistance para makatulong sa mga pasyenteng walang pambayad sa ospital. Ang mas dapat ikagalit ay kung bakit napakaraming pera ang nakalaan sa kalusugan pero hindi naman nagagamit habang ang mahihirap ay nagkakautang, nagsasangla at nagbebenta ng ari-arian para lamang may maipambayad sa pagpapagamot.
Ito ang paliwanag ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin, dating kalihim ng DOH, kaugnay ng pag-aayos ng Kamara sa panukalang budget ng kagawaran para sa 2027.
Ayon kay Garin, hindi totoong pinahina ng hakbang na ito ang serbisyong pangkalusugan. Sa halip, layunin nitong matiyak na mapupunta agad sa mga nangangailangan ang pera ng bayan kaysa manatiling nakatengga dahil sa mabagal na proseso ng gobyerno.
Patunay dito ang Health Facilities Enhancement Program o HFEP, na para sa pagpapaayos at pagpapaganda ng mga ospital. Sa isinagawang pagsusuri sa budget hearings, 11 porsiyento lamang umano ng pondo nito ang nagamit. Kaya binawasan ng Kamara ng P4.45 bilyon ang panukalang alokasyon.
Aminado si Garin na problema ang burukrasya. Palipat-lipat ang mga dokumento mula sa lokal na pamahalaan patungo sa regional offices at central office ng DOH. Habang nagpiping-pong ang mga papeles, naghihintay naman ang mga ospital at pasyente.
Inilipat ang bahagi ng pondo sa medical assistance upang makatulong sa hospital bills. Makikinabang din ang mga ospital dahil magagamit ang pondong matatanggap sa pagkuha ng dagdag na tauhan, pagbili ng kagamitan at pagkukumpuni ng pasilidad.
Binawasan din ng halos P4.87 bilyon ang panukalang pondo para sa bakuna, family health at nutrisyon dahil may mga pondong inilaan noong 2025 at 2026 na hindi pa umano nagagamit.
Pati halos P2 bilyong health promotion budget ay kinuwestiyon dahil sa malaking gastos sa patalastas sa telebisyon at mga babasahing hindi naman nagagamit.
Pero dapat malinaw: hindi ibig sabihin nito na puwedeng pabayaan ang mga programa sa kalusugan. Kailangang tiyakin ng DOH na hindi maaantala ang bakuna, gamot at serbisyong kailangan ng publiko.
Sa huli, hindi paramihan ng budget ang sukatan ng mahusay na serbisyo. Ang tunay na sukatan ay kung may gamot, maayos na ospital at agarang tulong ang ordinaryong mamamayan.
Pera ng bayan iyan! Hindi puwedeng bilyun-bilyon ang budget pero ang mahirap, walang malapitan kapag nagkasakit.
- Latest















