‘Langit ang lipad, lupa ang bagsak’
MUKHANG malalim na ang hukay na kinasadlakan ng AirAsia Philippines.
Ayon sa impormasyon, pinadalhan na ito ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng isang final demand letter muling babala, kumbaga sa nagbibigay lamang ng limang araw para bayaran ang halos USD $13.92 milyon, katumbas ng halos isang bilyong piso. Hindi ito simpleng atraso lang.
Ang airline, na pinamumunuan ng CEO nitong si Tony Fernandes, ay may naiipong utang mula sa air navigation fees, landing fees, parking fees, at mas mabigat hindi na-remit na Domestic Passenger Service Charges (DPSC). Ito yung mga bayad na galing mismo sa bulsa ng mga pasahero. Ibig sabihin, kinuha na sa tao, pero hindi naipasa kung saan dapat.
Sa kabuuan, umaabot na sa P833.7 milyon ang obligasyon, kasama na ang interes.
Samantala, ang ibang airlines tulad ng Cebu Pacific at Philippine Airlines ay sumusunod naman sa kanilang mga obligasyon. Walang palusot. Walang drama.
Diretsahan na rin ang sinabi ng CAAP. Sa kabila ng paulit-ulit na sulat, meeting, at follow-ups hindi pa rin nagbabayad. At dito na pumapasok ang masakit na tanong? Kung ang ordinaryong Pilipino ay hinahabol agad sa maliit na utang, bakit tila ang malalaking kumpanya ay parang may mas mahabang pisi?
Ang mga liham ay ipinadala sa presidente at general manager ng AirAsia Philippines na si Suresh Bangah, na kakaupo lang noong Hulyo ng nakaraang taon. Pero hanggang ngayon walang malinaw na sagot mula sa kumpanya. At kung hindi pa rin sila kikilos?
Malinaw ang babala ng CAAP. Puwedeng masuspinde o hindi i-renew ang kanilang mga lisensya, bawiin ang access nila sa mga pasilidad, ihinto ang serbisyo sa kanila, at kung kinakailangang demanda sila sa sibil at kriminal na paraan.
Hindi na rin ito puwedeng pag-usapan pa. Walang extension. Walang tawaran.
Dahil ang perang pinag-uusapan dito ay hindi kanila, ito ay pondong hawak nila para sa gobyerno at para sa sistema ng aviation ng bansa. Ibig sabihin, may tiwala na ibinigay sa kanila. At mukhang iyon ang nasira.
Sa huli, hindi lang ito usapin ng utang. Usapin ito ng pananagutan, tiwala, at respeto sa sistemang pinapakinabangan ng lahat.
At kung hindi sila magbabayad ang tanong. Sino ang tunay na babagsak ang kumpanya, o ang kumpiyansa ng publiko?
Disclaimer: Ang artikulong ito ay isang opinyon batay sa mga ulat at impormasyong lumabas sa publiko. Layunin nitong magbigay-liwanag at magmulat, hindi manira o manlibel. Ang lahat ng panig ay may karapatang magpahayag at magpaliwanag
- Latest















