‘Kutsara’ (Part 1)
NANGYARI ito noong nasa high school pa ako sa probinsiya, taon 1976. Madalas ay sa bahay ako ni Lola Nita natutulog. Malapit lang naman ang bahay namin sa bahay ni Lola Nita—mga dalawang kanto lamang. Mula nang mamatay si Lolo noong 1974 ay ako na ang laging sumasama kay Lola Nita sa bahay. Ako lang kasi ang pinakamatanda sa kanyang mga apo.
“Leonora, agahan mo ang punta rito mamayang hapon ha?” sabi ni Lola Nita.
“Bakit po Lola?”
“Magluluto ako ng pinaltok— ‘di ba paborito mo yun?”
“Opo,’’ sagot ko. Ang pinaltok ay ginataang bilo-bilo. Masarap magluto ng pinaltok si Lola Nita. Tamang-tama ang timpla at maraming sahog gaya ng kamote, saging at sago.
“Masarap kainin ang pinaltok kapag bagong luto kaya agahan mo ha?’’ sabi ni Lola.
“Opo Lola.”
“Isama mo pa ang mga iyong kapatid ha?”
“Opo, Lola.”
Kinahapunan, nagtungo na kami ng mga kapatid ko sa bahay ni Lola.
“Bertdey ba ni Lola Nita, Ate Leonor?’’ tanong ni Tirso.
“Hindi!”
“Bakit nagpinaltok?’’ tanong naman ni Edgar.
“Hindi ko alam. Basta isama ko raw kayo.”
Pagdating namin sa bahay ni Lola Nita ay nakahain na ang pinaltok sa malalaking mangkok. Umuusok pa.
Ang nakatawag ng aking pansin ay ang maraming kutsara na nasa mesa. Bakit kaya nasa labas ang maraming kutsara? (Itutuloy)
- Latest















