Lalaki na nakapagpaikot ng umaapoy na espada, nakatanggap ng Guinness Record!

 Isang lalaki sa Idaho, U.S.A. ang nakapagtala ng world record matapos niyang mapaikut-ikot sa kanyang kamay ang nag-aapoy na espada!

Kinumpirma ng records keeping organization na Guinness World Records na ang serial record breaker na si David Rush ang pinakabagong record holder ng titulong “Most Throws and Catches of a Fire Sword”. Ito ay matapos niyang maihagis at masalo nang 73 beses ang isang umiikot na nag-aapoy na espada sa loob ng 30 minutes.

Hindi naging madali ang record attempt ni Rush dahil noong una niyang subok, nahulog mula sa kanyang kamay ang espada kaya kailangan niyang ulitin muli ito sa simula.

Sa ikalawa niyang subok, nasunog ang buhok niya at balat sa braso ngunit ipinagpatuloy pa rin niya ang paghagis at pagsalo. Sa ika-73 beses na pagsalo, itinigil na ito ni Rush dahil natalo na niya ang previous record na 60.

Si David Rush ay tinaguriang “serial record breaker” dahil nais niyang maging ‘”Most Concurrent Guinness World Record Title Holder”. Sa kasalukuyan mayroon na siyang 166 Guinness Records at malapit na niyang mahigitan si Silvio Sabba na may 180 Records.

Show comments