Maid of Honor (112)

“Sana mali ang mga iniisip natin para kay Rocky,’’ sabi ni Honor sa mahinang boses. “Matagal ko na siyang kaibigan. Sana hindi totoo na peke ang pagkamatay niya.’’

“Kasi Kuya nakapagtataka ang pagkamatay niya at saka biglaan ang pag-cremate—parang may itinatago,’’ sabi ni Inah.

Napatango si Honor. Nag-isip sa mga sinabi ni Inah.

Hindi naman niya nakita ang bangkay ni Rocky. Basta ang sabi lang sa kanya ng kapatid nitong police ­general ay napatay ng sindikato at inagaw ang black bag na may pera. At agad na ipina-cremate ang bangkay ni Rocky dahil yun daw ang gusto nito kapag namatay.

“Gusto ko na ring maniwala na pinag-interesan nila ang pera, Inah. Kasi, bakit kailangan pa nating maghiwa-hiwalay noong kunin natin ang black bag na may pera at siya ang gustong humawak. Ngayon ko lang naisip na maaari ngang may plano si Rocky na itakas ang pera at magkunwaring napatay siya ng sindikato. Kung ganun ang nangyari, tapos na ang story—walang maghihinala sa kanya at sa general niyang kapatid.’’

“Tama ka Kuya.’’

“Ang tanong ngayon ay kung may mga miyembro pa ng sindikato na naghahanap sa black bag? Meron pa bang mas mataas sa nahuling boss’’

“Mahirap sagutin yan Kuya. Ang sa akin ay haka-haka lamang dahil minsang nabanggit ng boss na mayroon pa raw ibang lider ang sindikato pero nasa China.’’

“So maaaring wala at maaring meron?”

“Oo Kuya.’’

“Kailangan pala e mag-ingat ka—tayo dahil hindi natin alam ang galaw ng sindikato.’’

“Oo Kuya. Ano kaya kung sa probinsiya namin ako maglagi o magtago? Mas safe siguro ako roon. Hindi agad ako matutunton ng sindikato dahil liblib ang barangay namin.’’

Nag-isip si Honor. Napatangu-tango.

“Mabuti pa nga yata, Inah. Isa pa, gusto kang makita ng itay at inay mo.’’

“Kailan ako uuwi Kuya?’’

“Bukas ng madaling araw, ihahatid kita. Dadalhin ko ang kotse.’’

“Tayong dalawa lang Kuya?’’

“Oo.’’

(Itutuloy)

Show comments