50 bahay sa Davao Oriental, nasunog

COTABATO CITY, Philippines — Nasa 84 na mga pamilya ang nawalan ng mga tahanan matapos na sumiklab ang malaking sunog na ikinatupok ng may 50 kabahayan sa Tambiling Calagundian area, sa Barangay Central, Mati City nitong gabi ng Biyernes.
Kinumpirma ng Mati City Disaster Risk Reduction and Management Office at ng mga officials ng Bureau of Fire Protection sa lungsod na abot ng 50 na mga bahay ang tinupok ng apoy sa naturang insidente.
Ang Mati City ang siyang kabisera ng Davao Oriental, isa sa mga probinsyang sakop ng Region 11.
Inilikas na ng mga kawani ng Mati City local government unit ang mga fire victims sa mga temporary evacuation sites, at agad silang binigyan ng inisyal na ayudang pagkain at tubig na maiinom.
Nagtutulungan ang Mati City DRRMO at ang mga imbestigador ng BFP mula sa fire station ng lungsod sa pag-iimbestiga kung ano ang nagsanhi ng naturang sunog.
- Latest





















