Mister kinatay ni misis, 3 anak kasabwat!

Duguang damit nilabhan
CAVITE, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit na kamatayan ng isang mister sa kamay ng sariling misis matapos siyang tadtarin ng saksak sa gitna ng kanilang matinding away na nasaksihan ng tatlo nilang anak pero itinago ang krimen, loob ng kanilang tahanan sa San Nicolas 3, Bacoor City, kamakalawa.
Hindi pa tinukoy ng Bacoor City Police ang pagkakilanlan ng nasawing mister na nagtamo nang maraming tama ng saksak sa katawan na sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Arestado naman ang misis na si alyas “Marlyn,” 62-anyos, at ang tatlong anak na sina Margie, 24 anyos; Marlon, 38-anyos, at Candy, 33; pawang residente ng Bagong Silangan, Brgy. San Nicolas 3, ng nasabing lungsod sa Cavite.
Sa ulat ng pulisya, tanghali ng Oktubre 11 nang matanggap nila ang report hinggil sa insidente na naganap dakong alas-8 pa ng umaga nitong Linggo.
Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar, nadatnan pa nila ang duguang katawan ng biktima na nakasubsob sa kama nito at tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng mga imbestigador, nabatid na alas-8 ng umaga ng magkaroon nang mainitang pagtatalo sa pagitan ng mag-asawa na nauwi sa malagim na krimen.
Ayon sa mga kapitbahay, narinig pa nila ang malalakas na sigawan at kalabugan sa loob ng bahay ng mag-asawa habang sila ay nag-aaway.
Lumalabas pa sa imbestigasyon na nasaksihan umano ng tatlong nabanggit na anak ang pag-aaway ng kanilang mga magulang na humantong sa pagpatay sa kanilang ama ng kanilang ina subalit hindi sila nagsumbong sa mga awtoridad.
Depensa ng mga anak sa pulisya na tinakot umano sila ng kanilang ina at pinagbantaan kaya sila nanahimik sa insidente.
Matapos ang ginawang pagpatay sa mister, nagawa pang labhan ng ginang ang mga damit na may mga bahid ng dugo upang maitago ang ginawang krimen.
Nahaharap sa kasong parricide ang mag-iina na nakakulong na sa Bacoor Police Station.
- Latest


















