Mag-asawang senior nilooban: P3.5 milyong pera, alahas natangay
CAVITE, Philippines — Pinasok ng hindi bababa sa limang armadong lalaki ang bahay ng isang mag-asawang senior citizen sa loob ng pribadong subdibisyon sa Brgy. Molino 3, Bacoor City, kamakalawa.
Base sa imbestigasyon ng Bacoor City Police, dakong alas-5:30 ng umaga habang ang lalaking senior ay naglilinis ng kotse sa tapat ng kanilang bahay nang biglang dumating ang isang itim na kotse. Lulan nito ang mga armadong kalalakihan at bigla na lang pumasok sa bahay ng mag-asawang sina alyas Noel, 62-anyoa, at Maria, 63 anyos, at nagdeklara ng “hold-up” habang nakatutok ang mga baril sa mga biktima.
Nilimas ng grupo ang mga pera, alahas, cellphone, at mahahalagang kagamitan sa loob ng bahay na aabot sa halagang P3.5 milyong piso saka sila nagsitakas.
Agad na humingi ng tulong ang mga biktima sa barangay na mabilis namang itinawag sa pulisya ang insidente.
Sinuri ng mga imbestigador ang CCTV footage sa lugar at gumamit din sila ng makabagong teknolohiya na naging daan upang ma-trace o ma-locate ang isa sa mga suspek at nabawi ang ninakaw na mobile phone.
Nagkasa ang pulisya ng hot pursuit operation hanggang sa madakip ang isa sa mga suspek habang hawak nito ng nasabing cellphone na na-detect ng pulisya.
- Latest
















