Parak sinaksak sa mata ng lalaking inaresto

MANILA, Philippines — Isang pulis ang malubhang nasugatan matapos itong saksakin sa kanang mata ng nag-amok na lalaking kaniyang inaaresto sa Brgy.Milagrosa, Sta Catalina, Negros Oriental nitong Miyerkules ng gabi.
Sa report ng Negros Island Region Police Regional Office, nagresponde ang nasabing parak na may ranggong Police Executive Master Sergeant sa nasabing lugar upang arestuhin ang amok na lalaki na inireklamo ng pananaksak sa isang 58-anyos na ginang.
Gayunman, habang inaaresto ang suspect ay bigla na lamang nitong inundayan ng saksak ang biktima na tinamaan ng patalim sa kanang bahagi ng kaniyang mata na nagdulot ng matinding pagdurugo.
Ang nasabing parak ay mabilis na isinugod sa pagamutan sa Bayawan City, Negros Oriental para maampat ang pagdurugo ng mata nito bago inilipat sa isang hospital sa lungsod ng Dumaguete.
Base sa medical report, tinamaan ang major artery sa mata ng parak at kailangan itong isailalim sa operasyon.
Samantalang ang 58-anyos na ginang na may-ari ng sari-sari store ay pinagsasaksak ng suspect ng pitong beses matapos itong tanggihang bentahan ng alak dahilan sa madalas na pagwawala sa kanilang lugar. Ang ginang ay nagpapagaling na rin sa pagamutan.
- Latest






















