Mister, buntis na misis todas sa holdap!
COTABATO CITY, Philippines — Kapwa patay ang isang mister at misis nito matapos silang pagbabarilin ng mga armadong lalaki sa naganap na highway robbery sa Barangay Ugalingan, Carmen, Cotabato nitong Lunes.
Kinilala ng mga senior officials ng Cotabato Provincial Police Office ang mga nasawi na sina Jezreel Tua Ramirez, 34, at ang 33-anyos na buntis niyang misis na si Jean; kapwa residente ng Purok 7, Barangay Poblacion, Carmen, Cotabato.
Sa ulat, habang pauwi na sa kanilang tahanan ang mag-asawang Ramirez sakay ng mutlicab mula Kabacan, Cotabato, nang bigla silang harangin ng mga armadong lalaki. Agad na tinutukan ng baril ng mga suspek ang mag-asawa at mabilis na kinuha ang dala nilang pera at mga kagamitan.
Bago tumakas, pinagbabaril ng mga suspek gamit ang .45 caliber pistol ang mga biktima na pawang duguang bumulagta sa lugar.
Ayon sa Carmen Municipal Police, agad na nasawi si Ramirez dahil sa mga tama ng punglo sa iba’t ibang kahagi ng kanyang katawan. Namatay naman ang buntis na ginang habang nilalapatan ng lunas sa ospital.
- Latest


















