Mister itinumba sa harap ng simbahan

MANILA, Philippines — Patay ang isang 59-anyos na mister matapos pagbabarilin sa labas ng simbahan sa Circumferential Road, Brgy. Taculing, Bacolod City kamakalawa.
Sa report ng Bacolod City Police, ang biktima ay tinukoy lamang sa pangalang Efren, residente ng Brgy. Granada sa lungsod na ito.
Base sa imbestigasyon, kalalabas lamang ng biktima sa simbahan nang biglang huminto ang isang kulay itim na Sports Utility Vehicle (SUV) hindi kalayuan sa target.
Ilang saglit pa ay bigla na lamang pinagbabaril ng salarin ang biktima na duguang bumulagta saka mabilis na tumakas ang suspek.
Nabatid na wala namang nasugatang mga deboto sa insidente dahilan nasa loob pa ang mga ito ng simbahan ng mangyari ang krimen.
Ang biktima ay nagtamo ng anim na tama ng bala sa katawan na siya nitong dagliang ikinamatay.
Kasalukuyan nang sinusuri ng mga awtoridad ang footage ng Closed Circuit Television (CCTV) upang matukoy at maaresto ang salarin. Nabatid na ang biktima ay driver sa simbahan at patuloy ring inaalam ang motibo ng krimen.
- Latest
















