Drug den sa Cotabato City ni-raid, 4 timbog!

COTABATO CITY, Philippines — Apat na umano’y magkakasabwat na drug den operators, isa sa kanila ay menor-de-edad, ang naaresto ng mga pulis sa buy-bust operation sa Barangay Rosary Heights 9, dito sa lungsod nitong Martes.
Nakadetine na ang tatlo sa mga naaresto na kinilalang sina Andres Pamplona Aquit, Eddie Mojado Catada at Marlon Montenegro Canizares, habang ang pang-apat na suspect, isang menor-de-edad, ay nasa magkatuwang na kustodiya na ng Cotabato City local government unit at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.
Kinumpirma nitong Miyerkules ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang pagkakaaresto sa apat ng mga operatiba ng iba’t ibang units ng Cotabato City Police Office, sa pamumuno ni Col. Jibin Bongcayao, at ng mga anti-narcotics agents ng City Police Precinct 2 sa isang lugar sa Barangay Rosary Heights 9 nitong Martes ng hapon.
Agad na dinakma ng mga hindi unipormadong pulis mula sa City Police Precinct 2, na pinangungunahan ni Major Teofisto Ferrer at Bongcayao, Ang mga suspek na sina Aquit, Catada, Canizares at ang 16-anyos na binatilyong kasabwat matapos silang bentahan ng shabu mismo sa kanilang drug den sa Barangay Rosary Heights 9.
Agad na naisara ang drug den ng apat na suspek kung saan sila nagsasagawa ng pot sessions para sa bumibili sa kanila ng shabu mula sa iba’t ibang lugar sa Cotabato City.
- Latest


















