Bagitong pulis nanutok ng kabaro, arestado

Inireklamo ni Police Patrolman Zusime Brix Canete Peñaflor, 25, tubong Bacolod City ang suspek na si Police Patrolman Louie Sequito, 29, tubong-Iloilo City na agad namang inaresto ng mga tauhan ng Abellana Police Station, Special Weapons and Tactics team, at City Mobile Force Company.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

MANILA, Philippines — Isang pulis ang nasa hot water matapos na sampahan ng kasong administratibo at kriminal ng kanyang kapwa pulis matapos na manutok ng baril at mambuntal dala ng kalasingan sa Barangay Sambag 1, Cebu City noong Miyerkules ng gabi.

Inireklamo ni Police Patrolman Zusime Brix Canete Peñaflor, 25, tubong Bacolod City ang suspek na si Police Patrolman Louie Sequito, 29, tubong-Iloilo City na agad namang inaresto ng mga tauhan ng Abellana Police Station, Special Weapons and Tactics team, at City Mobile Force Company.

Sa report kay PMaj. Mark Don Alfred Leanza, hepe ng Abellana Police Station, bandang alas-10 ng gabi ay lu­mabas si Peñaflor sa kanyang boarding house upang mag-withdraw ng pera sa Automated Teller Machine (ATM).

Nakita ni Peñaflor si Sequito na noon ay nakikipag-inuman sa mga kaibigan sa gilid ng kalsada kaya binati niya ang mga ito.

Dahil dito, tinawag si Peñaflor ni Sequito at pinatagay siya na pinagbigyan naman ng una,

Matapos na maka­tagay ng dalawang baso ay nagpaalam na si Peñaflor dahil kailangan umano niyang mag-withdraw ng pera.

Pero habang naglalakad si Peñaflor ay sinundan siya ng suspek at biglang sinuntok sa ulo at tinutukan pa umano ng baril saka nagsabing…“Papelan mo ko para malaman mo (Magsampa ng kaso at malalaman mo ba),”

Agad namang nagsumbong si Peñaflor sa Abellana Police Station at inaresto ang suspek na pulis na naabutan pang lasing na lasing at umiinom pa ng alak kasama ang mga kaibigan.

Show comments