Buntis na amasona nasagip ng militar

MANILA, Philippines — Nasagip ng tropa ng mga sundalo ang isang buntis na amasonang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos na abandonahin ng kanyang mga kasamahan sa engkuwentro sa Brgy. Umiray, Dingalan, Aurora, ayon sa opisyal kahapon.

Sa report, kinilala ni Lt. Col. Rodrigo Lutao Jr., hepe ng Public Information Office ng AFP-NOLCOM ang nailigtas na si Manilyn “Manene “ dela Cruz alyas Miya/Manene,19-anyos, mi­yembro ng Platoon Julian, Komiteng Larangang Guerilla ng NPA Command.

Ayon kay Lutao, si Dela Cruz ay inabandona ng kaniyang mga kasamahan matapos na masugatan sa bakbakan na namimilipit sa sakit sa tinamong sugat nang makorner ng mga sundalo sa nasabing lugar kamakailan.

Sinabi ng opisyal na ang buntis na amasona ay agad namang isinugod sa Fort Magsaysay Army Station Hospital para malapatan ng lunas pero inilipat sa isang ospital sa Cabanatuan City dahil sa maselang kondisyon.

Sa imbestigasyon, nabatid na si Dela Cruz ay isang katutubo na miyembro ng tribong Dumagat at apat na buwang buntis sa una nitong anak. Siya ay may nakabimbing warrant of arrest sa kasong arson, attempted murder, direct assault with multiple murder at frustrated murder.

Binigyang diin naman ni Lt. Gen. Fernyl Buca, AFP-Northern Luzon Command commander na mahalaga ang pag­respeto sa karapatan at dignidad ng mga indibidwal na nasasangkot sa armadong pakikibaka.

Show comments