3 terorista sumuko sa Maguindanao
MANILA, Philippines — Umani ng tagumpay ang kampanya ng pamahalaan para sa kapayapaan matapos na sumuko sa tropa ng militar ang tatlong miyembro ng lokal na mga teroristang grupo sa Datu Piang, Maguindanao nitong Biyernes.
Sa report ni Major Gen.Roy Galido, Commander ng 6th Infantry Division (ID) ng Philippine Army at Joint Task Force (JTF) Central, kinilala ang mga sumuko na sina alyas “Amin”, 43, logistic and finance officer/supporter ng Daulah Islamiyah (DI) terrorist group; alyas “Torren”, 32, miyembro ng Dawla Islamiyah terrorist group at alyas “Mangandili”, 33, miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) Karialan faction.
Isinuko rin ng tatlo ang kanilang mga armas na pawang M14 rifle na kargado ng mga bala.
Inihayag ni Galido na ang tatlong lokal na terorista ay nagdesisyong magbalikloob sa pamahalaan kaugnay ng patuloy na mekanismong pangkayapaan na isinasagawa ng Army’s 6th Infantry Battalion (IB) sa pamumuno ni Lt. Col. Michael Glenn Manansala.
Sa tala ng JTF Central, simula nitong Enero ng taong ito ay nasa 10 DI terrorists na ang nagbabalikloob sa batas habang nasa 146 namang BIFF ang sumuko rin sa batas.
Kaugnay nito pinapurihan naman ni AFP-Western Mindanao Command Chief Lt.Gen. Alfredo del Rosario Jr., ang tropa ng JTF Central sa tagumpay ng kasundaluhan sa opensiba laban sa mga lokal na teroristang grupo.
- Latest