P20.4 milyong shabu nasabat sa Sulu buy-bust
MANILA, Philippines — Umiskor ang mga awtoridad matapos na masabat ang may P20.4 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang hinihinalang bigtime na tulak ng droga kamakalawa sa Brgy. Walled City, Jolo, Sulu.
Batay sa report na isinumite ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (BAR) director Brig. Gen. Samuel Rodriguez kay PNP Officer-in-Charge Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, ang suspek na si Ejek Ali Abduhalim, 44-anyos ng Barangay Bas-Nonok, Lugus, Sulu ay nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Jolo at Indanan Police, at 11th at 35th Mobile Intelligence Battalion na may koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency-BAR.
Nakuha sa suspek ang isang paper bag na naglalaman ng tatlong kilo ng shabu at dalawang cellphones.
Nahaharap si Abduhalim sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 of the Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri ni Eleazar ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon at inihayag na puspusan pa ang ginagawa ng PNP upang masawata ang operasyon ng illegal drugs sa bansa. - Rhoderick Beñez
- Latest