Shootout: Lider ng KFR, 1 pa dedo
MANILA, Philippines - Nagwakas ang pagiging notoryus na lider ng kidnap- for -ransom group at tauhan nito makaraang mapatay ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar sa naganap na shootout sa Barangay San Roque, bayan ng Gutalac, Zamboanga del Norte kamakalawa. Sa ulat ni Capt. Franco Suelto, spokesman ng 1st Infantry Division ng Phil. Army, kinilala ang dalawa na sina Jaojin Salam, lider ng KFR; at Abdullah Emeron. Ayon sa ulat, isisilbi sana ng mga awtoridad ang warrant of arrest na inisyu ng hukuman sa mga kasong kriminal nang sumiklab ang bakbakan matapos manlaban ang dalawa. Sa tala ng pulisya, si Salam ay kabilang sa dumukot sa tatlong crew ng M/T Marino na pag-aari ng Cebu Tug at Barge Inc. noong November 29, 2009 sa bayan ng Siocon, Zamboanga del Norte, pagdukot kay Donald Capili, anak ng Tsinoy trader noong August 27, 2009; at pangunahing suspek sa pagdukot kay Olivia Barredo Angeleson noong May 3, 2001 sa Barangay Labuan, Zamboanga City. Narekober sa dalawa ang M14 Armalite rifle na may 13 magazine at assorted na bala.
- Latest