'Gupit-panty' sa mga estudyante pinareresolba

BAMBANG, Nueva Vizcaya  , Philippines — Naglatag ng dragnet operation ang pi­nag­sanib na puwersa pu­lisya at opisyal ng barangay laban sa maskaradong lalaki na tinaguriang “gupit-panty” na karamihang bikti­ma ay mga estudyanteng dalaga sa bayan ng Bam­bang, Nueva Vizcaya.

Nabatid na sumasa­la­kay ang misteryo­song lalaki sa mga boarding house ng dalaga habang nasa kasa­rapan ng tulog at ginugupit ang suot nilang panty.

Ayon kay P/Senior Insp. Roberto Bongayon, hepe ng PNP Bambang, nag-umpisa ang gupit-panty noong 2004, subalit hindi ito ipinagbibigay-alam sa pu­lisya dahil sa nahihiyang lu­mantad ang mga biktima.

“Kadalasan ay nagaga­nap ang insidente sa tuwing pasukan, dahil kapag ba­kasyon ay tahimik naman at walang napapa-ulat,” paha­yag ni Bongayon.

Naunang hiniling ni Nue­va Vizcaya Gov. Luisa Lloren Cuaresma na imbestigahan ang insidente matapos ma­balitaan na muling umatake ang kilabot na ‘gupit panty’ na pinaniniwalaang residen­te rin ng nasabing bayan.

Ayon kay Chairwoman Gloria La Corda ng Ba­rangay Buag aabot na sa 10-dalaga ang nadale sa kanyang barangay mali­ban na lamang sa iba pang mga biktima na ayaw lumantad.

Nilinaw naman ni La Corda na hindi ginaga­hasa ng suspek ang mga biktima at hindi rin daw nagna­nakaw ang mahi­wa­gang suspek. Dahil dito, pinaig­ting ng pulisya ang pagpa­patrolya sa iba’t ibang bahagi ng nabanggit na bayan lalo na sa ban­dang alas-12 ng ha­ting­gabi hang­gang alas-6 ng umaga.

Show comments