2 military asset habol sa Undas

CAMP AGUINALDO – Humabol sa Undas ang dalawang informer ng militar makaraang bistayin ng bala nang matiyempuhang naliligo sa ilog ng mga pinaghihinalaang kasapi ng liquidation squad ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Makilala, North Cotabato kamakalawa.

Humalo sa agos ng tubig ang dugo ng mga biktimang kinilalang sina Reynante Nalabuan at John Rey Bellalima; pawang ng Tulunan ng nabanggit na lalawigan.

Sa report, naganap ang insidente habang ang dalawang biktima ay masayang naliligo sa ilog ng Brgy. Kisante sa bayan ng Makilala bandang alas-2:30 ng hapon.

Nabatid na di alintana ang panganib habang naglalangoy sa batis ang dalawang biktima ay naispatan ang mga ito ng mga armadong rebelde na agad pinalibutan ang lugar at pinagbabaril ang mga biktima saka nagsitakas.

Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito. (Joy Cantos)

Show comments