Fil-Chinese trader nilooban, tinodas

Balagtas, Bulacan — Isang negosyanteng Filipino-Chinese ang namatay nang pagpapaluin ng tubo habang nakagapos ang mga kamay matapos na looban ng kaniyang naghudas na anim na stay-in workers sa kanilang piggery farm sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nasawing biktima na si Ahong Go, 37 anyos, may-ari ng New Generation Piggery Farm sa nasabing lugar.

Nagawa namang makatakas ng misis ng biktima na si Mina Yap matapos itong makahulagpos sa pagkakatali at isinuplong sa pulisya ang pangyayari.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, bandang alas — 9 ng gabi ng mangyari ang pagpatay sa biktima matapos na ito ay igapos ang mga kamay at hatawin ng bakal sa ulo ng kaniyang mismong mga stay-in workers matapos na pagnakawan sa kanilang piggery farm sa Brgy. Pulong Gubat sa naturang munisipalidad.

Nasakote naman sa manhunt operations ang dalawa sa anim na mga suspek na kinilalang sina Randy Adlawan 23 anyos, may-asawa at Wilfredo Alcala, 26.

Patuloy namang pinaghahanap ang iba pang mga suspek na kinilalang sina Jerome Turemucna, Elmer Cabuntagun, Oliver Bensalote at Juan Claver; pawang mga trabahador sa piggery ng biktima. (Efren Alcantara)

Show comments