2.2 kilong pampasabog nasabat

CAMP AGUINALDO Nasabat ng mga elemento ng Joint Task Force GenSan ang 2.2 kilong sangkap sa paggawa ng bomba sa isinagawang routine inspection sa pier ng General Santos City kamakalawa ng umaga.

Batay sa ulat, bandang alas-8 ng umaga habang iniinspeksyon ng mga elemento ng Joint Task Force GenSan ang bagahe ng mga pasahero sa Makar Wharf ng lungsod nang mapansin ang kahina-hinalang kilos ng pasaherong si Romeo Llansing, alyas Nonoy, 35, ng Tupi, South Cotabato.

Agad itong sinita ng mga awtoridad na nagmamantine ng seguridad sa nasabing pantalan at dahil dito ay hindi nakaligtas sa matalas na pang-amoy ng K-9 dogs ang bagahe ni Llansing.

Nakuha sa bagahe ng suspek ang kabuuang 2.2 kilong ammonium nitrate, pangunahing sangkap sa paggawa ng improvised explosive device.

Sa imbestigasyon, nabatid na ang suspek ay patungong Metro Manila upang ideliber kay Lilia Albaracin ang nasabing ammonium nitrate.

Ayon sa suspek, si Albaracin ang nag-utos sa kanya na dalhin ang nasabing bagahe sa Metro Manila kung saan ay susunduin ito sa pantalan nina Judith Albaracin at isang tinukoy sa alyas na Aba.

Dinala na ang nasabing mga kemikal sa PNP Crime Laboratory 12 para maisailalim sa laboratory exam habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya sa kaso. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments