5 katao dakip sa 68 sako ng bomb substance

CAMARINES NORTE – Lima-katao ang dinakip ng pulisya makaraang makumpiskahan ng 68 sakong sangkap sa pampasabog sa itinayong checkpoint sa Barangay Talobatid, Labo, Camarines Norte kamakalawa.

Ang mga suspek na lulan ng kulay maroon trak (TPY 256) ay nakilalang sina Romeo Chuatingco, 58; Lope Amparado, 32; Richard Lonto, 29 na pawang naninirahan sa Paracale, Camarines Norte; PO3 Francisco Antuerpia, 42 na nakabase sa 402nd PPMG Batangas at asawang si Anicia, 42 na kapwa residente ng Taisan, Batangas.

Sinabi ni P/Chief Insp. Marlon Tejada, hepe ng Camarines Norte Provincial Task Force on Peace and Order (CNPTFPO), ang grupo ni Chuatingco ay pinaniniwalang protektado ni PO3 Antuerpia.

Ayon naman kay Chuatingco na ang mga nasabat na sangkap ng pampasabog ay ginagamit sa paggawa ng dinamita at ipinagbibili sa mga mangingisda sa bayan ng Paracale at Jose Panganiban.

Nabatid na ang mga sangkap ng pampasabog ay inilagay sa sako ng pagkain ng hayop para hindi mahalata ng mga awtoridad.

Napag-alaman pa sa ulat ng pulisya na si Chuatingco ay inaresto na ng pulisya noong Hulyo 19, 2003 sa Barangay Tipas, San Juan, Batangas dahil sa pagkakakumpiska rin ng 60 sakong ammonium nitrate. (Ulat ni Francis Elevado)

Show comments