Mindanao blackout sa bomba ng MILF

DAVAO CITY – Pinasabog ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang kasapi ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang malaking transmission line na naging sanhi para mag-blackout ang buong isla ng Mindanao noong Miyerkules, Pebrero 26, 2003.

Napag-alaman sa ulat ng militar na bandang alas-11:22 ng gabi nang paulanan ng rocket propelled grenades ng mga rebelde ang Abaga-Lugait 138 KV line sa Lanao del Norte na pinamamahalaan ng National Transmission Corporation (Transco).

"Medyo matatagalan bago maibalik ang daloy ng kuryente mula sa pinasabog na Abaga-Lugait at kasalukuyang gumagawa ng paraan upang mabigyan ng supply ng kuryente ang mamamayan," pahayag ng isang opisyal ng Transco.

Kinumpirma naman ng mga opisyal ng Armed Forces na mga rebeldeng MILF ang responsable sa pagpapasabog ng naturang transmission line partikular na sa may 14 Transco towers sa iba’t ibang bahagi ng Central at Northern Mindanao simula nang magsagupa ang militar at MILF noong Pebrero 11, 2003.

Kaagad namang inalerto ni P/Chief Supt. Isidro Lapeña, commander ng Southern Mindanao police ang kanyang mga tauhan na masusing bantayan ang lahat ng vital installation sa naturang rehiyon.

Sa kasalukuyan ay nasa standby power plant servicing priority ang Davao Light and Power Company na maserbisyuhan ang mga pangunahing lugar, katulad ng mga ospital at patubig.

Ang DLPC ay kumukuha ng supply ng kuryente sa Transco Power Barge 118 sa Maco, Compostella Valley at Pulangi River hydroelectric plant sa Central Mindanao.

Samantala, sa ilang bahagi ng Mindanao ay mas malala pa ang kondisyon kaysa sa Davao City dahil walang standby power plant. (Ulat ni Edith Regalado)

Show comments