Municipal Planning officer ng Bulacan itinumba ng NPA rebels

CAMP ALEJO SANTOS, BULACAN – Pinagbabaril at napatay ng tatlong armadong kalalakihan na pinaghihinalaang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang Municipal Planning and Development Officer ng bayan ng Angat, Bulacan habang lulan ng kanyang sasakyan kamakalawa ng gabi sa lalawigang ito.

Ang biktima na kinilalang si Nilo Santos, 47-anyos, may-asawa ay nagtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo at isa sa likod ng katawan kung saan ay hindi na ito umabot ng buhay sa pinagdalhang pagamutan.

Samantala, isa namang nakilalang Antonio Pascual na sinasabing kasama ng biktima sa loob ng sasakyan ay hindi ginalaw o sinaktan ng mga tumakas na suspek.

Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, kalalabas lamang ng kanyang bahay ang biktima lulan ng minamaneho nitong isang F150 Ford Expedition patungo sa hindi pa mabatid na lugar bandang alas 7:30 ng gabi.

Bigla na lamang umanong dinikitan ng isang Weapon type pick-up ang sasakyan ng biktima at agad itong pinagbabaril.

Bago tuluyang nagsitakas ang mga salarin ay siniguro muna ng mga ito kung patay na ang biktima.

Patuloy namang iniimbestigahan ang motibo ng krimen. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments