MILF kumander todas sa militar

ZAMBOANGA, Tangawan - Napaslang ang isang lider ng Moro Islamic Liberation (MILF) lost command na itinuturing na nasa likod ng serye ng kidnap-for-ransom sa Central Mindanao matapos na manlaban sa umarestong mga operatiba ng pamahalaan sa isang checkpoint sa bayan ng Tungawan, lalawigan ng Zamboanga Sibuguey, ayon sa ulat kahapon.

Ito ang kinumpirma kahapon nina Defense Secretary Angelo Reyes at AFP Spokesman Brig. Gen. Edilberto Adan.

‘‘Commander Kiddie (Abdusalam) was killed, he fought his captors,’’ pahayag ni Reyes.

Ayon naman kay Adan, napatay ng pinagsanib na puwersa ng Army’s 33rd Infantry Battalion at Military Intelligence Company si Akkidin Abdusalam alias Commander Kiddie, isang field commander ng MILF lost command ilang oras matapos dukutin ng mga kasamahan nitong kidnappers si Italian priest Fr. Guiseppi Pierantoni.

Sinabi ni Adan na pumalag si Commander Kiddie sa tropa ng militar habang lulan ito sa isang Lilian passenger bus na bumabagtas sa kahabaan ng national highway sa Barangay Tigbanuang, Tungawan, ng nasabing lalawigan. Nabatid na ipinahinto ng mga sundalo ang naturang bus upang inspeksyunin ang loob nito.

Nabatid na dalawang iba pang pinaghihinalaang gerilyang MILF na pawang mga taga-sunod ni Commander Kiddie ang nadakip sa naganap na operasyon. Kasalukuyan ng sumasailalim sa masusing tactical interrogation ang mga nalambat na rebelde sa himpilan ng Army’s 103rd Brigade sa Zamboanga.

‘‘Based on our records, si Commander Kiddie ang siyang namumuno ng grupong kikidnap sa kanilang mga target at siyang magdadala sa mas malaking kidnap-for-ransom syndicate based in Central Mindanao. His group is allegedly concentrated in Lanao provinces,’’ paliwanag ni Adan.

Nauna ng sinabi ng militar ang posibleng pagkakasangkot ni Kiddie sa pagkidnap kay Fr. Pierantoni na dinukot ng mga armadong kalalakihan habang nagmimisa sa loob ng Sacred Heart of Fathers bandang alas-7:30 ng gabi noong Miyerkules.

Idinagdag pa ni Adan na si Commander Kiddie ang napaulat na responsable din sa pagtangay sa isa pang dayuhang pari na si Fr. Luciano Benedetti sa Zamboanga del Norte Noong 1998. Bukod dito, responsable din ang grupo nito na nasa likod ng pagdukot kay Belgian missionary Fr. Bernard Maes.(Ulat ni Joy Cantos)

Show comments