9 anyos na tomador wanted sa pananaksak

Isang siyam na taong gulang na batang lalaki at sa murang edad ay kilalang tomador o manginginom sa kanilang lugar ang tinutugis ng mga alagad ng batas matapos na manaksak ng isang 25 anyos na lalaki na tumanggi sa tagay ng alak sa Misamis Occidental.

Kinilala ang batang suspek na si Michael Villafuerte, 9, residente ng Brgy. Maquilao, Tangub City makaraang masaksak ang isang Jesus Aresgado, 25, may-asawa at residente ng Sitio Tugas sa nasabing barangay. Ang biktima ay kasalukuyang nasa kritikal ng kondisyon.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-6 ng gabi ay nakikipag-inuman ang batang suspek sa kanyang mga kaibigan sa isang videoke bar sa naturang barangay nang maispatan nito ang dumaraang biktima.

Niyaya umano ng bata ang papauwing si Aresgado na sumama sa kanilang pagsasaya ngunit tumanggi ang huli.

Dahil sa hindi matanggap ng suspek ang pagtanggi sa kanya ng biktima ay agad na nag-init ang ulo nito na noon ay nasa matinding-impluwensiya na ng alak.

Kinuha ng suspek ang itinatago niyang patalim mula sa tagiliran at mabilis na inundayan ng sunud-sunod na saksak ang biktima sa sikmura.

Nang masaksak nito ang biktima ay tumakas ang batang suspek. Samantalang isinugod naman at patuloy na nilalapatan ng lunas sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments