Babae sugatan sa hostage sa Pasay, suspek kinuyog
MANILA, Philippines — Isang babaeng call center agent ang nasugatan nang i-hostage ng isang lalaki sa kanto ng EDSA, Pasay sa tapat ng isang kainan noong hapon ng Sabado.
Nagtamo ng sugat sa leeg at mga kamay ang biktimang si Cielo May Veringuel, 35 makaraang tutukan ng basag na bote at i-hostage ng suspek na si Rodel Saklayan, ng Imelda Marcos, Ilocos Norte.
Sa ulat, naglalakad si Veringuel sa may kanto ng EDSA at Pilapil St. Brgy. 83 nang pagsapit sa Fely’s Canteen ay bigla na lamang siyang hinablot ng suspek, sinakal at tinutukan ng basag na bote.
Nakatawag pansin sa mga nagpapatrulyang dalawang pulis ang komosyon kaya mabilis silang rumesponde.
Habang nakikipagpanegosasyon ay nakakita ng pagkakataon ang isang pulis para sunggaban ang kamay ng suspek kaya’t nakahulagpos ang biktima.
Dito na pinagtulungang mapasuko ng mga pulis ang suspek na kinuyog ng mga tao.
- Latest