^

Police Metro

Faeldon pinagbibitiw sa puwesto

Pang-masa

Nadiin sa P6.4-b shabu

MANILA, Philippines - Pinagbibitiw na sa puwesto matapos igisa kahapon ng mga mambabatas si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor Faeldon sa kontrobersyal na 600 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon na naipuslit sa kaniyang kagawaran.

Sa pagharap ni Faeldon sa House Committee on Dange­rous Drugs, kinastigo ito ng mga mam­babatas at pinagsabihang magbitiw na lamang sa puwesto dahilan sa ‘unfit ‘ o hindi ito nababagay na gampanan ang kaniyang trabaho.

Sinabi ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, Chairman ng panel na patunay lamang na ang pagkakapuslit ng nasabing droga at ang kontrobersyal na raid sa P 6.4 bilyong droga sa Valenzuela City ay walang kakayahan si Faeldon na pamunuan ang kaniyang tanggapan.

“ Your honor, I am a soldier. I don’t treat this position as a job, it’s a mission. And as a soldier does not quit from his mission, but a soldier can be fired , so let the President fire me ,” tugon ni Faeldon kay Sagip Partylist Rodante Marcoleta kung handa itong magsumite ng resignation letter kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Barbers na sobrang kapalpakan at dapat managot si Faeldon sa kontrobersyal na raid sa Valenzuela na walang kaukulang protocol matapos na lumitaw na hindi ito nakipagkoordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at maging sa PNP.

“Sayang Commissioner Faeldon, pinagkatiwalaan ka ng Pa­ngulo, ng taong bayan sa puwesto na iyan. You ate from nowhere, hindi nga namin alam ang qualifications mo. Pinalusot ninyo ang droga na iyan, sa kasagsagan ng kampanya ng Pangulo kontra droga,” ani Barbers.

Hinamon ng solon si Faeldon at ang iba pang mga opisyal ng BOC na magbitiw sa puwesto dahilan sa ipinahiya ang Pangulo sa anti-drug campaign.

Sa testimonya naman ni PDEA National Capital Region Director Wilkins Villanueva, sinabi nito na ang raid sa isang bodega noong Mayo 26 ng taong ito sa Paso de Blas, Valenzuela na isinagawa ng pinagsanib na elemento ng  BOC Intelligence and Investigation Service, National Bureau of Investigation Anti Organized Transnational Crime Division and Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay nadiskubre ang daang kilo ng shabu na aabot sa bil­yong halaga. Ang nasabing bodega ay pag-aari ng isang nagngangalang Richard Tan.

Ibinulgar ni Villanueva na nang dumating sila sa lugar ay nakabuyangyang na ang bulto ng mga shabu at nakabukas na ang mga kahon ng droga kung saan nag-selfie pa umano ang mga BOC officials.

Inihayag pa nito na si Faeldon na umano ang nagdesisyon na isang container na lamang ng droga ang dalhin para sa ebidensya sa pagsasampa ng kaso.

Samantalang sinabi rin nito na komukonsulta si Faeldon sa isang lady lawyer na inamin nitong kaniyang fiancée na isang pribadong abogado. Ikinatwiran naman ni Faeldon na kaya niya iniwan ang apat na container ay nais niya itong magsilbing ebidensya laban kay Tan.

Idinagdag pa ng opisyal ng PDEA na kung nakinig lamang sa kaniya si Faeldon ay hindi sana nagka-problema habang iginiit naman ni Faeldon na inaako niya ang ‘command responsibility’ sa insidente.

Samantala, sinabi rin  ni House Speaker Pantaleon Alvarez, na hindi lamang incompetent si Faeldon kundi grossly incompetent dahil ang Pangulong Rodrigo Duterte ang binigyan ng kahihiyan dito.

Sinabi ni Alvarez, na susuportahan niya ang panawagan ni Rep. Ace Barbers na magbitiw sa posisyon si Faeldon at mga palpak na tauhan nito dahil nakakahiya ang mga pinaggagawa kaya kung may kaunting kahihiyan na natitira sina Faeldon umalis na sila sa bureau.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with