Produkto ng China, iboykot
MANILA, Philippines – Muling iginiit ni dating Secretary of Interior and Local Government Rafael Alunan III na higit na makikinabang ang bansa kung hindi tatangkilikin ang anumang produkto na gawang China bilang pagkondena sa pag-angkin ng dambuhalang bansa sa mga isla at bahurang pasok sa ating Exclusive Economic Zone (EZZ).
Hinikayat ni Alunan, bilang Lead Convenor ng West Philippine Sea Coalition ang sambayanang Pilipino na makiisa sa kanilang pagboykot sa lahat ng produktong galing ng China.
“We are calling for a boycott of Made in China products para mabigyan naman natin ng pagkakataon ang ating mga local manufacturer to provide us with their goods and services. Buy Filipino muna,” sabi ni Alunan sa panayam ng Bombo Vigan. “Tapos kung kulang ‘yung produkto, ‘yung quantity na isinusuplay ng ating local suppliers eh di maghanap tayo ng substitutes from ASEAN (Associatiopn of Southeast Asian Nations) and other countries. Huwag lang sa China.”
Nanawagan ang buong ASEAN, United States at Japan sa China na itigil na ang waring paghahamon sa Pilipinas na batid ng mga lider sa Beijing na walang kakayahan para ipantapat sa kanilang puwersang militar.
Iginiit ni Alunan na mahirap paniwalaan ang pahayag ng China na itinigil na ang reklamasyon sa West Philippine Sea dahil malinaw na mga base militar ang kanilang itinatag sa ating mga teritoryo.
- Latest