San Beda puntirya ika-3 dikit vs Mapua
MANILA, Philippines — Sisikapin ng defending champion San Beda University na ikahon ang pangatlong sunod na panalo sa pagharap nila sa inaalat na Mapua University sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na lalaruin sa Playtime FilOil Centre ngayong araw.
Magsisimula ang bakbakan ng Red Lions at Cardinals sa alas-3 ng hapon habang magkatapat ang parehong walang dungis na baraha na Letran at Arellano University sa alas-5 ng hapon.
Sumadsad agad ang San Beda sa una nilang laro ngayong season, yumuko sila sa College of Saint Benilde, 68-77 noong Setyembre 13.
Matapos ang kabiguan ay naging mabangis na ang Red Lions sa sumunod nilang laban kung saan ay nilapa nila ang Lyceum of the Philippines at isinunod ang Jose Rizal University para ilista ang 2-1 karta sa Group A.
“Wag lang kaming hihinto. We had to play until matapos tong game,” wika ni Sean Torculas nang kald?agin ng Red Lions at Heavy Bombers, 65-62 sa huli nilang laro. “I’m grateful. Just grateful for this win.”
Inaasahang kakapitan ng Mendiola-based squad si Torculas, lumiyab ito sa opensa laban sa JRU matapos ilista ang 29 points at six rebounds, makakatuwang niya si Andrei Ugaddan na maganda rin ang inilalaro.
Kasalukuyang nasa ilalim ng team standings sa Group A ang Cardinals pasan ang 0-3 karta.
Samantala, isa ang madudungisan sa Knights at Chiefs pagkatapos ng 40 minutong paglalaro, ang mananalo ang uupo sa solo No. 1 sa Group B, tangan nila ang tig-3-0 baraha.
Parehong impresibo ang panalo ng Letran at Arellano sa huli nilang laro kaya asahang mahigpit ang magiging labanan ng dalawang koponan.
- Latest






















