Ginebra amoy na ang finals
![Ginebra amoy na ang finals](https://media.philstar.com/photos/2024/05/26/4_2024-05-26_22-17-28.jpg)
MANILA, Philippines — Umahon sa malalim na pagkakalubog ang Barangay Ginebra upang makaeskapo mula sa Meralco, 89-84, sa Game 5 ng 2024 PBA Philippine Cup semifinals kahapon sa Mall of Asia Arena.
Natambakan ng hanggang 15 puntos ang Gin Kings sa third quarter bago ito unti-unting tunawin tungo sa pagsikwat ng krusyal na 3-2 bentahe sa kanilang best-of-seven semifinal series.
Namumuro na ngayon ang Gin Kings sa finals at tatangkaing makuha na ang serye sa Miyerkules sa parehong venue para sa tiket sa finals kontra sa nag-aabang na reigning champion San Miguel Beer.
Winalis ng Beermen ang karibal na Rain or Shine, 4-0, sa kanilang sariling bracket para sa ikalawang sunod na finals appearance nito ngayong season matapos ding pagharian ang Commissioner’s Cup.
Lumapit ang Ginebra sa parehong misyon na iyon sa pangunguna ni Christian Standhardinger na tumabo ng 34 puntos, 10 rebounds at 5 assists.
Tampok dito ang pambaong jumper sa huling minuto upang mabigyan ng 5-point lead ang Ginebra tungo sa dikit na tagumpay sa tulong ng 13 at 10 puntos nina Maverick Ahanmisi at Japeth Aguilar, ayon sa pagkakasunod.
- Latest