Krusyal na PBA games ngayon

MANILA, Philippines — Magpupuwestuhan sa playoffs ang apat na ko­­ponan sa krusyal na double-header papasok sa huling bahagi ng 2024 PBA Philippine Cup elimination round sa Philsports Arena sa Pasig City.

Magduduwelo ang Mag­­nolia at Terrafirma nga­yong alas-4:30 ng ha­pon bago ang sagupaang NLEX at Rain or Shine sa alas-7:30 ng gabi.

Tabla ang Hotshots at Road Warriors sa 5-4 kar­tada at may pag-asa pa sa Top 2 sahog ang ‘twice-to-beat’ advantage, habang tengga rin sa parehong 5-5 marka ang Dyip at Elasto Painters.

Sinumang lulusot sa krusyal na banggaan ay ma­kakasiguro ng puwesto sa quarterfinals kung saan San Miguel (10-0) at Barangay Ginebra (7-3) pa lang ang nakakapasok.

Inaasahang babalik na sa Road Warriors si Robert Bolic matapos hindi makalaro sa 120-103 kabiguan ni­la sa Beermen dahil sa pa­nganganak ng kanyang asawa.

Maging ang katapat nilang Elasto Painters ay galing din sa talo na pumutol sa kanilang five-game winnings streak matapos tumaob sa Hotshots, 102-108, sa Tiaong, Quezon.

Mula noon ay nakalasap ng dalawang sunod na kabiguan ang Magnolia kontra sa San Miguel, 91-98, at Meralco, 51-74, na si­yang kanilang franchise-lowest points upang manganib sa playoffs.

Wagi naman ang Ter­ra­firma sa kanilang huling laban sa NorthPort, 110-108, kaya nasa momentum laban sa Magnolia.

Wala pa ring kasiguru­han ang TNT Tropang Giga at Meralco na may 5-5 kartada at pasok sa Top 8.

Show comments