PetroGazz Angels may mga bagong mukha
MANILA, Philippines — Bagong mukha ang ipaparada ng PetroGazz Angels sa oras na muling magbukas ang Premier Volleyball League (PVL) sa unang bahagi ng taong ito.
Limang key players ng PetroGazz ang tuluyan nang nawala sa lineup kabilang na sina middle blockers Jeanette Panaga at Cherry Nunag.
Itinanghal na Second Best Middle Blocker si Panaga noong 2019 PVL Open Conference habang Second Best Middle Blocker awardee rin si Nunag noon 2019 Reinforced Conference.
Wala na rin sa lineup sina outside hitters Jovielyn Prado gayundin si Jonah Sabete at opposite spiker Maricar Nepomuceno-Baloaloa.
Bahagi ang limang players ng Gazz Angels na nagkampeon noong 2019 Reinforced Conference kasama sina Cuban import Wilma Salas at American wing spiker Janisa Johnson. Nasa koponan din ang lima na naka-silver naman sa 2019 Open Conference.
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng PetroGazz sa ilang taong pananatili ng lima sa kanilang koponan.
“We’re thankful for all the years you’ve played for the Petro Gazz family! Forever grateful for all the amazing memories. Wishing you all the best in your future endeavors,” ayon sa statement ng Gazz Angels.
Napaulat na magtutungo sa Perlas Spikers si Nunag habang kukunin naman ng reigning Open Conference champions Creamline Cool Smashers si Panaga.
Bubuo ng bagong lineup ang Gazz Angels sa pangunguna ng bagong recuits na sina three-time NCAA MVP Grethcel Soltones, dating Far Eastern University opposite hitter Jerrili Malabanan at dating Foton Tornadoes playmaker Ivy Perez.
- Latest