Petro Gazz puntirya ang top spot sa semis
MANILA, Philippines — Tatapusin ng anim na koponan ang elimination round ng 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Conference ngayon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magtutuos ang semifinalist Petro Gazz at talsik nang Nxled sa alas-4 ng hapon matapos ang upakan ng Cignal HD at Capital1 Solar Energy sa alas-2 ng hapon.
Sa alas-6 ng gabi ay maghaharap ang Akari at Strong Group Athletics.
Kasama ng Gazz Angels sa Final Four ang Choco Mucho Flying Titans, Chery Tiggo Crossovers at nagdedepensang Creamline Cool Smashers.
May parehong 9-3 record ang Choco Mucho at Chery Tiggo kasunod ang Petro Gazz (8-2) at Creamline (8-3).
Makukuha ng Gazz Angels ang No. 1 seed sa semifinals kung tatalunin ang Chameleons para sa kanilang 28 points.
Nasa four-game winning streak ang Petro Gazz kasama ang 25-7, 25-21, 25-17 panalo sa Galeries Tower sa huling laro.
Umiskor naman ang Nxled ng 25-13, 25-23, 25-22 panalo sa Capital1.
- Latest