PBA idaraos ang sariling 3x3 league
MANILA, Philippines – Bilang hakbang upang makasabay sa booming 3x3 world scene ay ilulunsad na rin ng Philippine Basketball Association ang makasaysayang PBA 3x3 League nito para sa 45th Season.
Labing apat na koponan ang kasali sa inaugural 3x3 ng pinakamatandang pro-league sa Asya kasama ang 12 traditional 5-on-5 teams na TNT Katropa, Meralco, NLEX, San Miguel, Barangay Ginebra, Magnolia, Alaska, Rain or Shine, Phoenix, Blackwater, NorthPort at Columbian.
Dumagdag naman sa listahan ang Mighty Bond at Dunkin Donuts.
Wala pang eksaktong petsa ang pagbubukas ng bagong liga.
Taliwas sa unang plano na magkakaroon pa ng PBA 3x3 draft, maaari na ngayong kumuha via direct hire ang 14 koponan.
Apat na players ang bubuo kada team, dalawa dito ay puwedeng Fil-Foreigners.
Wala ring age limit sa mga nais sumali.
Pagkakataon ito para sa aspiring players na makapagpakitang-gilas at makakuha ng atensyon sa pag-akyat nila sa PBA sa pamamagitan pa rin ng official at annual PBA Rookie Draft.
Tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes gaganapin ang laro ng mga 3x3 teams na magiging independent league mula sa PBA.
Hahatiin sila sa dalawang grupo at maglalaro ng 42 eliminations games hanggang sa best-of-three semifinals at finals.
Wala pang eksaktong halaga pero inaasahang tumataginting ang papremyo ng PBA 3x3 na kada conference.
Ayon sa PBA Board, mayroon ding plano para sa 3x3 women’s division subalit tatalakayin pa lamang nila.
Mismong si Samahang Basketbol ng Pilipinas president at Meralco governor Al Panlilio ang nagmungkahi ng 3x3 league sa PBA Board matapos ang pulong kay FIBA 3x3 head Alex Sanchez.
Bahagi ito ng programa ng SBP katuwang ang PBA sa pamumuno ni Commissioner Willie Marcial na mapalakas ang 3x3 discipline sa bansa lalo’t kikilalanin itong medal event sa 2020 Tokyo Olympics sa unang pagkakataon.
- Latest
















