Hiyasmin (260)
“IISA lamang ang ibig sabihin kung bakit ginagawa iyon ni Rashid—hindi ka niya nalilimutan, Lira. Mahal na mahal ka ni Rashid at palagay ko, nagrerebelde siya dahil mahigpit ang pagtutol ng kanyang mga magulang para panindigan ka,’’ sabi ni Siony.
Hindi makapagsalita si Lira. Nagkakaisa sila ni Siony ng iniisip. Mahal pa rin siya ni Rashid kaya lahat ng mga lugar na nag-uugnay sa kanya ay pinupuntahan nito. Nasa isip pa rin siya ni Rashid. At halos masira ang ulo nito dahil sa paghihiwalay nila.
“Pero kung mahal niya ako, bakit hindi niya ako sinundan dito sa Pinas. Bakit hindi siya nagsikap na tawagan ako. May magagawa naman siyang paraan. Bakit hindi niya ginawa iyon, Siony?”
“Maaring natakot siya. Baka sinabi ng parents na wala siyang maaasahang tulong o pamana kaya. Maaring ganun ang nanyari, Lira.”
“Kung sinundan niya ako, baka naging maligaya kami—baka hindi napalayo sa akin si Hiyasmin. At siguro, nadagdagan pa ang anak namin.”
“Posible yun, Lira. Pero hindi yun naisip ni Rashid dahil nga siguro natakot sa magulang.”
Napatangu-tango na lang si Lira.
“Pero may malagim na nangyari, Lira.”
“Ano?”
“Nasunog ang bahay nina Rashid!”
Nanghilakbot si Lira.
(Itutuloy)
- Latest