Hiyasmin (193)
“Bakit? Di ba pinag-usapan na natin na sasamahan kita para makita ang mama mo. At saka di ba bibigyan mo siya ng pera dahil sumuweldo ka na?’’ tanong ni Dax. Naglalakad sila palabas ng compound ng kompanya nina Hiyasmin.
“Huwag muna ngayon, Dax.’’
“Bakit nga?’’
“Baka pagpunta natin dun e naroon ang stepfather ko. Alam mo namang kumukulo ang dugo ko sa taong yun. Ayaw kong makita mo ang taong nagnasa sa akin. Baka may sabihin siyang hindi ko magustuhan e aawayin ko siya. At siyempre, pababayaan mo ba ako sa sitwasyong yun.’’
Napatangu-tango si Dax. May katwiran si Hiyasmin. Huwag na nga nilang ituloy ang pagdalaw sa mama nito.
“Sige Hiyasmin, sa ibang araw na lang natin ituloy ang pagdalaw sa mama mo. Sundin mo ang kutob mo. Karaniwang ang masamang kutob ay nagkakatotoo.’’
“Salamat Dax at naunawaan mo ako.’’
“Pero paano natin malalaman kung kailan tayo dapat pumunta? Kailangan, wala roon ang stepfather mo.’’
“Tatawagan o iti-text ko muna si Mama. Kailangang masiguro natin na wala ang taong kinamumuhian ko.’’
“Okey sige. Basta, sabihan mo lang ako.’’
Tumango si Hiyasmin.
“Saan mo gustong pumunta ngayon?’’ tanong ni Dax.
“E di kumain na lang tayo at ako ang taya,’’ sabing nakangiti ni Hiyasmin.
“Hindi ako papayag. Ngayon pang sinagot mo na ako. Ako ang magbabayad sa kakainin natin.’’
“Okey. Ikaw ang bahala.’’
Umalis na sila. Hawak ni Dax ang palad ni Hiyasmin.
Pinisil ni Dax ang palad. Gumanti ng pisil si Hiyasmin.
Sobra-sobra ang ligayang nadarama nila.
(Itutuloy)
- Latest