Suklam (59)
“PUTANG INA!’’
Iyon ang nasabi ng ama nang mahuli sa akto ang asawa at lalaki nito habang nagtatalik sa kuwarto. Parang mga daga na nahuli ng pusa. Mabilis na nakatayo ang lalaki, nadampot ang damit at tumakbo palabas ng kuwarto. Naharang ng ama at inundayan ng suntok ang lalaki pero hindi tumama. Nakatakbo palabas ng bahay ang lalaki. Hindi na hinabol ng galit na galit na ama.
Binalikan nito ang taksil na asawa sa kuwarto at ito ang pinagsasampal. Nagsisigaw ang taksil. Humihingi ng tawad sa asawa.
Binuksan ng ama ang cabinet ng damit. Kinuha ang mga damit ng taksil at ibinagsak sa harapan nito.
“Lumayas ka!’’ sabi sa taksil na asawa. Hindi kumikilos ang taksil. Umiiyak ito na parang nagmamakaawa. “Layas!’’ Pero ayaw pa ring kumilos. “Ayaw mong lumayas?” tanong ng ama. Bigla nitong hinaltak ang asawa at kinaladkad palabas ng bahay. Nagsisigaw at umiiyak ang taksil pero patuloy itong hinahatak ng ama. Hanggang sa madala ito sa labas ng gate. Isinarado ng ama ang gate pagkatapos. Isinara rin ang main door ng bahay. Maririnig ang pagsigaw ng taksil na asawa mula sa labas.
Saka napaupo sa sopa ang ama. Nakatungo. Maya-maya, umiyak ito. Mahina ang pag-iyak pero halatang-halata dahil nayuyugyog ang balikat.
Ang lahat ng iyon ay nasaksihan ng panganay na anak. Nakatingin ang panganay sa kanyang ama habang umiiyak ito. Awang-awa ang panganay sa kanyang ama. Iyon ang unang pagkakataon na nakita niyang umiyak ang kanyang ama. Masayahin ang kanyang ama. Palakuwento. Lahat nang nangyari sa trabaho nito bilang bus driver ay ikinukuwento. Masayang-masaya silang magkapatid kapag nagkukuwento ang kanilang ama. Hindi niya malilimutan ang mga ikinukuwento ng kanyang mahal na ama.
Maya-maya, tinawag siya ng kanyang ama. Pinaupo siya sa tabi nito.
“Tawagin mo ang kapatid mo,’’ utos sa kanya.
“Mayroon akong sasabihin sa inyo.’’ Mabilis nitong pinuntahan ang kapatid na noon ay sarap na sarap sa pagtulog. Ginising niya ito. Pupungas-pungas ang kapatid.
Dinala niya ito sa kanyang ama. “Maupo kayo,’’ sabi ng ama. Naupo ang magkapatid.
Itutuloy
- Latest