Suklam (15)
Lihim na napangiti si Brent makaraang makaalis si Vivian. Halata niyang tensiyunado si Vivian. At kaya ito napasugod sa kanya ay para malaman kung ano ang sinabi ng asawa nitong si Julio o July sa kanya.
Natataranta na si Vivian.
Siguro nga ay may “naaamoy” na si Julio kaya tuwing Sabado ay nagpupunta rito. Inaalam kung ano ang ginagawa ni Vivian. Hindi siguro makapaniwala na ang kanyang asawa na isang superbisor ay kailangan pang mag-obertaym. Siguro, nakikita ni Julio na atat na atat mag-OT si Vivian. Wala siyang kamalay-malay na may ibang nag-oobertaym kay Vivian.
Kawawa si Julio!
Iyon ang namayani kay Brent.
Labis niyang kinaaawaan ang mga lalaking “iniputan sa ulo” ng kanilang asawa. Kawawa si Julio na sa tingin ni Brent ay mabait. Marahang magsalita. Kanina ay binigyan pa siya ng calling card at sinabing kung may problema ay tawagan lamang siya. Bihira ang ganung tao na una pa lamang pagkikilala ay nag-aalok na agad ng tulong.
Gusto niyang maging kaibigan si Julio.
Naaawa siya rito.
Kapag naging magkaibigan na sila, ibubulgar niya rito ang kataksilan ni Vivian.
Humanda kayo, Vivian at Oscar!
(Itutuloy)
- Latest